Wednesday, November 12, 2008

PERIOD·de·CAL(alifornia) : SYNCHRONIZED BARANGAY ASSEMBLY DAY

Republic of the Philippines
Province of Cavite
Municipality of Naic
BARANGAY BALSAHAN
SYNCHRONIZED BARANGAY ASSEMBLY DAY
(Oct. 25, 2008)

I. Pagsasa-ayos ng pulong

Pinatawag ni Kapt. Gerald Sugue sa kalihim ng Barangay ang taga-pagsalita pagpupulong upang simulan ang pulong ng maaga.

II. Panalangin

Bago simulan ang pagpupulong, pinangunahan ng Presidente ng Senior Citizen ang Panalangin..

III. Mahalagang Paksa ng Pagpupulong

Agenda:

  • Presentation of Accomplishment ang Financial Report
  • Public Hearing on the Proposed enactment of Brgy. Revenue Code

- Nagsimula ang pagpupupulong sa pangunguna ni Kapt. Gerald Sugue sa pamamagitan ng paglahad ng kanyang paksa..

- Ang pulong ay sinimulan sa pagkilala sa mga bagong nahalal na officer ng Senior Citizen.

- Hiningi ni Kapt. Gerald Sugue na makapagsalita ang bagong Presidente na nahalal.

- Kasunod nito ang pagpapakilala ni Kapitan sa kanyang konseho at kani-kanilang hawak na komite.

- Pinakilala niya rin ang mga bumubuo ng BPSO (Barangay Police Security Officer) magmula sa hepe hanggang sa mga miyembro nito.

- Maging ang BHRAO (Barangay Human Rights Action Officer) ay muli niyang pinakilala.

- Matapos ang pagpapakilala ni Kapt. Gerald Sugue sa mga bumubuo ng Brgy. Official, sinundan ito ng pag-rereport ng mga konseho sa kani-kanilang komite.

- Unang nagpahayag ng kanyang Komite si SK Chairman Jhonjose Arcega, Komite ng Sports & Development.

- Inilahad niya ang natapos niyang proyekto na basurahan at paglilinis nila ng ilog katulong ang kanyang kagawad, pati na rin ang plano na makapag-paliga ng Softball ay Volleyball para sa kabataan.

- Pangalawang nagpahayag ng kanyang komite si Kgg. Cornelio Pinco, Komite ng Clean & Green.

- Inilahad niya ang paglilinis na kanyang nadaluhan at nagampanan, ang River Sanitation, Coastal Clean-up at maging ang libreng bakuna sa mga hayop o anti-rabist ay kanyang binanggit.

- Pangatlong nagpahayag ng kanyang komite si Kgg. Darryl Sunga, Komite ng Cooperative & Livelihood.

- Inilahad niya ang mga aktibidad na kanyang nadaluhan, mga pagdalo ng monthly meeting, pag-duty tuwing martes ng gabi at bilang komite ng Cooperative & Livelihood, kinausap niya ang mga kababaihan na marunong manahi na makipag-coordinate sa Balsahan Elementary School para sa unfiorm ng mga estudyante.

- Pang-apat na nagpahayag ng kanyang komite si Kgg. Sherly Toribio, Komite ng Kababaihan at Pamilya.

- Inilahad niya na maghikayat ng mga magulang na gawin ang naaangkop sa kanilang tungkulin at bumuo ng isang samahan ng mga kababaihan upang magkaroon ng hanap-buhay o pagkakakitaan.

- Panglimang nag pahayag kanyang komite si Kgg. Danilo Javier, Komite ng Katahimikan at Kapayapaan.

- Inilahad niya na walang kaso siyang nahawakan na taga-Balsahan tanging mga dayuhan lamang na nag-aaway sa lugar na nasasakupan ng Barangay Balsahan.

- Kasunod ang pagre-report ni Kapt. Gerald Sugue sa kanyang mga proyekto sa barangay at ang paghayag niya sa kabuuang pondo ng barangay.

- Inilahad niya na Php 555,654.00 ang kabuuang pondo ng barangay na nahati sa 5% Calamity Fund, 10% SK (Sangguniang Kabataan) Fund, 20% BDF (Barangay Development Fund), 2% GAD (Gender ang Development) at ang ibang natitira ay mapupunta sa MOOE (Maintenance and Other Operating Expenses).

- Inilahad niya din ang kanyang proyekto, ang pagre-repaint ng mga poste, pagpapagawa ng bagong Official Board, pagpapagawa ng Railings ng hagdan sa may looban, pagkakabit ng bagong ilaw sa mga poste, pagpapagawa ng arko sa susunod na taon pati ang planong maglalagay ng kanal lining ay kanya ding nilahad.

- Kasunod nitong pinag-usapan ang tungkol sa Taxation ng Barangay Revenue Code.

- Ipinaliwanag ni Kapt. Gerald Sugue ang tungkol sa Taxation ng Barangay Revenue Code. Sinabi niya na ito ay ipapasang ordinansa na maglalayon na magtakda ng mga kaukulang buwis, butaw at singil, layunin natin madagdagan ang ating pondo nang sa gayon ay mas marami pang proyekto an ating maisasagawa para sa ikaga-ganda ng ating barangay.

- Matapos mapag-usapan ang mahahalagang paksa dumako naman kami sa Open Forum at Other Matters..


- Nasabi ni Kapitan ang kanyang nais gawin na mapaganda at maisa-ayos ang eskwelahan ng Balsahan sa tulong ng Principal at nasabi niya rin na nakapagpatayo na ng ilang karagdagang silid-aralan na may dalawang palapag.

- Nasabi niya din na sa susunod na taon sana ay mapatupad ang kanyang kahilingan na magkaroon ng sariling palaruan o Covered Court ang Balsahan Elementary School.

- Sinabi niya din ang ipinararating ng Principal na sana ay mapag-isa ang eskwelahan at ang barangay upang maibalik ang kagandahan ng ating Sakatihan Field.

- Nabanggit din ni Kapitan ang libreng pagbabakuna sa aso at pagpapaskil ng ordinansa para sa mga hayop kung saan nakapaloob dito ang lahat ng pagbabawal sa nasabing hayop.

- Nasabi din ni Kapitan na ipagbigay alam sa barangay ang mga bagong lipat na mangungupahan upang makilala at mai-register na sila ay sa ating barangay naninirahan.

- Inilahad din niya ang pagkakaroon ng blogsite ni Mr. Ding Reyes at Mr. Delfin Gutierrez .

- Sinabi din niya ang kanyang mungkahi na nais niyang gawing Computer Learning ang ilalim ng Barangay Hall.

- Kasunod nito ang mga mungkahi at mga hinaing ng mga kabarangay.

- Mga mungkahi na mabawasan ang mga nagtatapon ng basura sa ilog, mga taong umiihi sa pribadong lugar at tabi ng kalsada, mga dumi ng hayop na nagkalat sa kalye at mga kalat sa bakanteng lote sa may looban.

- Lahat ng hinaing at mungkahi ng mga dumalo ay sinagot ni Kapitan at nasabi niya na ang lahat ng problema ay mabibigyan ng kasagutan kung ang bawat isa ay magtutulungan, at kanyang binigyang pansin ang mga problema para sa ikagaganda at ikalilinis ng kanyang nasasakupan.

- Matapos ang mga hinaing at mungkahi ng bawat isa, sinimulan nang ipamigay ang mga bigas at pagkain sa mga dumalo sa pulong.

- Huling binanggit ni Kapt. Gerald Sugue na mabibigyan ng kasagutan ang lahat ng hinaing at magkakaisa bawat isa sa pamamagitan ng mga namumuno ngayon.

- At isinara ni Kgg. Sherly Toribio ang pulong sa pamamagitan ng pagpapasalamat sa lahat ng dumalo at nakiisa sa naganap na Asembliya sa Barangay.

- Kung kaya't ang pagpupulong ay natapos sa ganap ba 10:30 ng gabi.

NOALYN P. ARCEGA

(Kalihim ng Barangay)

APPROVED BY:

GERALD J. SUGUE

(Punong Barangay)

3 comments:

  1. Maraming salamat sa pamunuan ng baranggay at sa pamamagitan ng ating sutlanglugar (globalsahan.blogspot.com)ay para narin kami nakakasama sa mga pag pupulong sa Balsahan.Ilan lamang sa pag puna para sa kaalaman ng mga taga balsahan nasa ibang bansa:1.Pondo ng baranggay- na P555,654.00.Sa 5%(P27,782.70)na para sa kalamidad ay lumalabas na mahigit lamang na tig P97.00 ang bawat isa sa karkuladong bilang na taga balsahan na 300 residente?Sobrang maliit kumpara sa kasalukuyang halaga ng pagkaing kailanagan sa oras ng hindi inaasahang kalamidad.Sa abot ng aming makakaya ay makapag bibigay kami ng tulong tulad ng nakaraan.Sa sinabi ni kapitan Gerald na dapat tayo ay magtulungan,bakit hindi bawasan ang porsyento para sa BDF na masyado yata napakalaki sa 20%?(P111,130.80)at ilagay ang iba nito sa kalamidad na hindi natin alam kung kailan darating?Atin sana tandaan na marapat lamang tayo ay laging handa lalo na ang Balsahan na ang kinalalagyan ay alam ng lahat nasa tabi lamang ng ilog.2.Binigyan pansin ang mga HINAING (walang paglalahad kung ano mga hinaing) pati na ang kalutasan, subalit para sa aming kaalaman ay mangayari lamang na isama sa paglalahad ang anumang hinaing ng taga Balsahan at malaman namin para makasama kami sa pag lutas anuman ang mga hinaing na ito?3.Aking iminumungkahi sa pamunuan na magkaroon bi-partisan myiembro ng mahalagang posisyon tulad ng ingat-yaman.Ito ay dapat magkaroon ng myembro mula sa oposisyon at kasalukuyang pamunuan upang ang maliwanag na pag iingat ng yaman ay bukas na hayag sa nakararami.Ang suhestyion ito ay aking na isip sa kadahilanang isa ito sa nag uugat ng hindi pagkakaunawaan natin mga taga Balsahan.Sana ay bigyan puna ang aking mga kumento hindi lamang ng pamunuan ng Balsahan kundi ng LAHAT ng mga taga BALSAHAN.Maraming salamat po.

    ReplyDelete
  2. sang-ayon ako sa mga komento ni kuya ding. ang balsahan ay malapit sa ilog na kapag may roon malakas na ulan (na hindi naman natin pwedeng pigilan)ay baka tumaas ang tubig at bumaha sa ating nayon. dapat paglaanan natin ng mga proyekto na higit na makakatulong sa ating ating lahat katulad ng flood control system. dapat nahingi ng mga suhestion mula sa mga dalubhasa at nakakaalam ng dapat gawin upang maiwasan ito. ang ating nayon ay maliit lamang kaya dapat tayong magkaisa sa ika aayos at ikagaganda nito. naisip namin ni kuya ding na sa pamamagitan ng sutlang lugar na ito ay maiparating ang mga suhestion at hinaing hindi lamang ng mga kanayon natin kung hindi ng mga global-balsahan.maraming salamat po

    ReplyDelete
  3. Binabati kita Kapitan Gerald sa maganda mong pamumuno. Kung mamarapatin mo ang mga sumusunod ay mga rekomendasyon na maaring pagaralan:

    1. Ang pamilya ang pundasyon ng lipunan at ang itinuturo ng magulang ang basic foundation ng pagkatao ng isang anak. Looban o labasan, makikita natin ang kakulangan ng kaalaman ng isang magulang sa pagpapalaki ng mga anak. Kapag hindi malakas ang pundasyon ng isang bata, mas malaki ang probability na mabigo ang isang bata na labanan ang maling gawain na naituturo ng lipunan at sasama siya sa daloy ng maling pamumuhay ng lipunan. Kung hindi ito mapuputol, the vicious cycle of poverty and ignorance will continue for generation. Kung maari sana ay magkaroon ng seminar o training ang mga magulang sa Balsahan tungkol sa "Parenting" at isang propesyonal ang dapat na magsagawa nito. Pagaralan ang idea na ito.

    2. Bigyan mo ng isda ang nagugutom at bukas ay magugutom ulit siya. Subalit mananatili siyang busog kapag binigyan mo siya ng lambat at turuang mangisda. Mayroong proyekto ang gobyerno na nagtuturo ng skills kung tawagin ay "TESDA". Kung matatarget ang edad 20 pataas na magaral dito ng skills malaki ang probabilidad na makapag abrod sila. Malaki ang demand ng skilled workers sa Canada at Australia. Kung sakali at natanggap ang isang taga-Balsahan, pwedeng pagtulungan ang mga fees na kaylangan para makaalis at kapag nakapagtrabaho na ay babayaran din para magamit naman ng iba. Pagaralan ang idea na ito.

    3. May mga data ka na Kapitan kung gaano kadalas bumaha sa Balsahan at kung gaano kalaki ang nagagastos tuwing may baha. Analyze mo ito to come up with a realistic calamity budget. Mahalaga ang BDF kung nasa tamang direction.

    4. Sang-ayon ako kay Kuya Ding na dapat may check and balance sa financials. Dapat ilagay sa minutes of the meeting ang mga hinaing at mga suhestyon kung paano ito maiaadress at ng sa ganoon ay mabasa sa website natin para mabasa ng mga tagaBalsahan na nagkalat sa buong mundo at makapagbigay ng suhestiyon at pinansyal na tulong.
    Pagpalain ka nawa ng ating mahal na Panginoong Hesus sa mga gingawa mo.

    ReplyDelete